LATEST NEWS

GOOD NEWS: 11th Anniversarry of 106.7 HOTfm Agoo La Union on December 14,2012(Friday/8:00pm) "KAPWA, 11 years na tayong HAYAHAY!!!" SEE YOU THERE, PARA HAYAHAY ANG BUHAY

www.hotfmagoo.blogspot.com "BASTA KAPWA...HAYAHAY!!!" hotfm_agoo@yahoo.com CALL/TEXT: 09477577339

Saturday, May 19, 2012

Oktubre 31, huling araw ng pagpaparehistro para sa nalalapit na eleksiyon

Oktubre 31 ngayong taon ang huling araw ng pagpapatala o pagpaparehistro ng mga botante para sa nalalapit na eleksiyon sa 2013, ayon kay Commission on Elections (Comelec) – La Union Provincial Election Supervisor Attorney Joel J. Gines kamakailan.

Bilang panauhin sa programang “Tugtugan at Talakayan” sa radyo ng Philippine Information Agency na isinasa-himpapawid sa istasyong 106.7 Hot-FM sa bayan ng Agoo dito sa probinsiya, sinabi ni Gines na bukas ang opisina ng Comelec sa iba’t-ibang munisipyo mula Lunes hanggang Sabado upang magbigay ng serbisyo sa bawat aplikanteng nais magparehistro, baguhan man, magpapalipat ng pangalan o transfer, magpapanumbalik na muli ng rehistro o reactivation, pagtatama ng mga detalye sa rehistro gaya ng sa pangalan, tirahan, estado, at iba pa.

Tinuran din ni Gines na mayroon namang mga Election Supervisors na humihiling ng biglaang paglabas ng kanilang mga opisina upang tumungo sa ibang mga barangay at duon na magsagawa ng pagpapa-rehistro, partikular sa malalayong lugar na kadalasa’y hindi na naaabot ng mga sasakyan o dili-kaya naman ay maraming mga tao duon ang nahihirapan nang lumuwas sa mga bayan dahil sa iba’t-ibang kadahilanan.

“Nagpalabas na rin ang Tanggapan ng Comelec sa Maynila ng Memorandum hinggil sa malawakang pagsasagawa ng isang espesyal na araw ng pagpaparehistro para lamang sa mga may kapansanan at ito ay sa ika-21 ng Hulyo, subalit hindi ito nangangahulugang hindi na sila papayagang magparehistro sa mga ordinaryong araw, kung ito ang kanilang nais ay puwede pa rin”, pagpapa-alala ni Gines.

Para sa mga dating mga rehistradong mga botanteng malakas pa naman at maayos ang pangangatawan ng huling nagparehistro subalit sa kasamaang-palad at di-maiiwasang dahilan ay naging paralisado na dahil naaksidente o maaring nagkaroon ng atake sa puso ay pinapayagan ng Comelec na sila ay magkaroon ng tinatawag na “assistor” na siyang pipirma para sa kanilang pangalan o rehistro, ani Gines.

Maaaring ito ay isang kapamilya na nagmula sa unang antas ng pagkakamag-anak o kaya naman ay isang kasambahay o katiwala sa bahay kung wala nang mga malalapit na kamag-anak na kasama.

Kaparehas ding lagay para sa mga matatandang hindi na kayang sumulat dahil sa pagkakaroon na ng matinding karamdaman sa mata o dili-kaya naman ay nabulag na, dagdag pa ng abugado.

Ipinaliwanag din ng opisyal na iyong mga dating botante na hindi nakapag-boto sa loob ng dalawang magkasunod na eleksiyon ay awtomatikong tinatanggal o dine-deactivate ng Comelec ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga lehitimong botante, kung kaya’t kinakailangan muli nilang magtungo sa opisina ng Komisyon at ipaalam sa Election Supervisor na nais nilang gawing aktibong muli ang kanilang tala upang maibalik ang kanilang pangalan sa listahan ng mga aktibong botante at sila ay makapag-boto sa nalalapit na eleksiyon sa 2013.

Sa isyu naman hinggil sa mga ID kard ng Comelec o pagkakakilanlan ng mga botante na matagal nang hindi pa naibibigay, sinabi ni Gines na ang lahat ng aplikasyon para sa ID ay buo pa rin at patuloy ang proseso, ngunit dahil sa dami ng aplikasyon at ang kanilang Sentrong opisina lamang ang bukod na gumagawa ng lahat ng ito kung kaya’t medyo natatagalan ang proseso.

Gayunpaman, mayroon nang anim na munisipyo dito sa lalawigan kaming nabigyan ng mga IDs tulad ng Agoo, Naguilian, Luna, Caba, Tubao, Pugo, at ang lungsod ng San Fernando.

Pinaalalahanan na rin ni Gines ang lahat ng mga nagnanais magparehistro na magdala lamang ng anumang balidong ID na may larawan, partikular yaong mula sa mga ahensiya ng gobyerno gaya ng pang-estudyante, Social Security System/Government Service Insurance System ID, ID ng senior citizen, lisensiya sa pagmamaneho o driver’s license, National Bureau of Investigation clearance, Philhealth at PagIbig ID, maging ang Tax Identification Number ID.

Lahat aniya ng nabanggit ay tinatanggap ng Comelec, maliban sa Police clearance, sertipikasyon mula sa barangay at sedula dahil ang mga ito ay walang larawan.

Upang makasigurong tama ang mga detalyeng ilalagay sa rehistro ay mas mabuting dalhin na lamang ang birth certificate o sertipikasyon ng pagka-panganak, dagdag pa ni Gines. (ANL/MPA-PIA 1 La Union)



By Miriam P. Aquino